Friday, May 23, 2008

sagip pilipinas...

Iniabot ko sa Manong drayber ang sampung piso kong barya. “Quiapo lang po.” At pagbalik ng sukli, dalawang piso na lamang. Hindi na ako nagtaka dahil sinabi na sa balita na magiging otso pesos na ang pamasahe.

Naalala ko nung unang taon ko pa lang sa kolehiyo. Limang piso lang ang bayad ng studyante. Pag dalawa kayo, kasya na ang sampung piso. Pero ngayon, para sa isang tao na lang ang halagang ito. Sakto namang kung kelan hindi na ako studyante saka tumaas ang pamasahe. Kahit singkwenta sentimos lang ito, may epekto na rin ito lalo na sa mga karaniwang tao lang.

Apektado ako, oo. Dahil sa ngayon ay wala pa akong nahahanap na trabaho. At kasalukuyang humihingi ng pang gastos sa aking magulang, na sa totoo lang ay nakakahiya na din naman.

Sa ngayon, isa ako sa libu-libong mga Pilipino na walang trabaho. Hindi pa man ako naghahanap, pero ganon ang aking pakiramdam. Ilang libo kaming mga studyante na nagtapos ngayong taon? Saan kami sisiksik? At kung magkatrabaho man kami, maaaring ang kikitain namin ay hindi sapat para tustusan ang lahat ng pangangailangan, lalo na ngayong ang bansa natin, sa kabila na paglakas ng piso laban sa dolyar, ay patuloy na naghihikahos dahil sa pagtaas ng mga bilihin, produktong petrolyo, kuryente at maging ng pamasahe. Ano ang naghihintay sa amin at sa mga pamilyang umaasa sa amin?

Hindi na ako magtataka kung bakit karamihan sa mga studyante ngayon ay kumukuha ng nursing, o iba pang kurso na in demand sa ibang bansa. Pinaka madaling solusyon na inaakala ng marami para maiahon sila sa kahirapan. Ngunit bago ka pa man grumadweyt, ay daang libo ang kailangan mong gastusin. Tiis-tiis kumbaga. At pagkagradweyt mo naman ay hindi ka naman kaagad makakaalis. Magrereview, at kukuha ka pa ng board exam bago ang lahat. Pag minalas ka pa na hindi makapasa, hindi ka kagad makakapagtrabaho. Mapapabilang ka pa din sa tinatawag na “unemployed.”

Ang peryodismo, “Journalism” sa ingles, at hindi nursing ang kursong napili ko. Hindi ko alam kung anong sumagi sa isipan ko kung bakit naisip kong kunin ito. Walang katiyakan sa trabaho, sabi nga ng ilan. Tanong pa ng iba, maging ng mga magulang ko, “Anong magiging trabaho mo? Pati ang nanay ko na mismong nagrekomendang kunin ko ito ay nagtatanong din. Hindi na lang ako sumasagot.

Pinili ko ang kursong ito hindi dahil gusto ko lang ito, o dahil mahilig lang akong magsulat. Oo nung una, alinlangan ako, pero sa loob ng apat na taon ay napagtanto ko na sa kursong pinili ko ay maaari kong matulungan ang naghihikahos nating bansa. Makapangyarihan ang pagsulat. Tama! Kaya nitong ibulgar ang ano mang baho ng isang nagpapagwapong politiko at kaya nitong magpatalsik sino man ang makapangyarihang taong nakaupo sa pwesto. Makapangyarihan nga ang pagsulat ngunit dapat itong gamitin sa tamang paraan.

Kakatapos ko pa lang sa kolehiyo. At sa ngayon ay napakalabo pa ng daan ko. Magiging peryodista (journalist) ba ako, o hindi? Magsusulat ba ako para sa ibang tao at para sa ating bansa?

o gagamitin ko na lang ang natutunan ko para sa sarili ko lang? O ikukulong ko na lang ba ang aking napag-aralan sa apat na sulok ng “call-center,” at magpabulag sa malaking perang isasampal sayo tuwing swelduhan.

Sana hindi. Sana hindi ko gawin ito. Sana, kahit sobrang mahirap humanap ng trabaho ngayon ay hindi ako sumama sa nakararami na tinitiis ang matagalang pag-upo at pagkausap sa taong hindi nila kilala at pipiliting bumili o tangkilikin ang kanilang produkto, o kaya nama’y magbigay kasagutan sa tanong ng mga ito.

Sana magamit ko ang pinag-aralan ko para tumulong. Kung hindi man ako kaagad maging peryodista, sana sa darating na panahon. Sa ngayon, hahanapin ko muna ang tamang landas na makakapagpatibay sa loob ko.

Kaya hindi ko pinili ang pagiging nars ay dahil ayaw ko namang magtrabaho sa ibang bansa. Oo makakatulong ka sa ibang tao doon. At malaki ang kikitain mo na kung dito sa Pilipinas ay isang taon mong pagtatrabahuhan ang isang buwan lang doon. Sabihin ng kailangan ko at ng pamilya ko ng pera, pero ang bansa natin ay nangangailangan din ng tulong. Higit pa sa pera.

“Magtatrabaho ako sa ibang bansa para kumita ng malaki,” “wala ka namang mapapala sa bansang ito kaya dun na lang tayo sa abroad …” Kung ganito ang magiging pananaw ng maraming Pilipino, sino na lang ang matitira sa bansang Pilipinas? Sobrang daming magagaling at matatalino nating kababayan ang piniling umalis para magkaron ng mas malaking kita. Maging ang mga guro, iniinda kahit katulong sila doon. At kahit iyong iba na nagtapos na apat na taong kurso ay tinitiis kahit maglinis ng inidoro o maghugas ng pwet ng matatanda. Sayang. Dahil mas pinipili nilang maglingkod sa bansang hindi naman sila ganon ka-pamilyar, at maging malayo sa mga kamag-anak, kapalit ng pera.

Siguro nga sa oras na ito ay nasasabi ko pa ang mga ito dahil hindi pa ganoon kalaki ang hamon sa akin. Hindi pa ganon kalaki ang aking responsibilidad sa pamilya. Oo. Pero bilang isang Pilipino at dating studyante na pinag-aral ng gobyerno ng Pilipinas, nais kong dito magsilbi sa bayan natin. Sa tuwing may nagtatanong sa akin kung gusto kong mangibang-bansa, umiiling na lang ako, senyales ng di pagsang-ayon. Nais kong gamitin ang natutunan ko para tulungan kahit papaano, kahit sa napaka simpleng paraan, ang bansang kinalakihan ko. Kahit sa simpleng pagsulat lang.

Naiiintindihan ko ang mga taong walang humpay sa pagsigaw sa kalye sa kabila nang paghampas nang batuta at malakas na buga ng tubig. Marami akong nakakausap sa kanila buhat sa paaralang aking pinanggalingan, pero hindi sumagi sa isip ko ang makilahok sa kanila. Bakit? Dahil alam kong mayroon akong sariling paraan na maaaring hindi ko idaan sa pagsigaw-sigaw. Siguro nga, iyon ay ang pagsigaw sapamamagitan ng papel at panulat.

Ikaw? May naiisip ka bang paraan? Hahayaan mo bang ganito na lang ang bansa natin na kung ang pamasahe ngayon ay otso pesos na ay di maglaong maging singwenta na? Papayag ka bang patuloy na masadlak sa kahirapan ang mga kababayan nating naghihikahos na? Hahayaan mo bang maubos ang mga gurong dapat sana’y tinuturuan ang mga batang walang muwang at nais matuto? Hahayaan mo bang maubos ang mga manggagamot sa bansang ito? Matitiis mo kaya na umaani ka man ng libu-libong pera pero makikuita mo ang ibang kababayan mo na tinitiis ang hirap? O iiling ka na lang at kukutyain ang kabulukan ng gobyerno natin? Pupunain mo pero alam mo naman sa saili mo na wala ka naming nagawa?...

3 comments:

sherma said...

mareng, naantig ang damdamin ko sa iyong post. pero dahil super seryoso ng post mo, ang comments ko e hindi... ^^x

limang piso lang ba nung 1st year tayo? di naman, P6 na... hehehe...

"...Magtatrabaho ako sa ibang bansa para kumita ng malaki,” “wala ka namang mapapala sa bansang ito kaya dun na lang tayo sa abroad …” Kung ganito ang magiging pananaw ng maraming Pilipino, sino na lang ang matitira sa bansang Pilipinas?..."

Tayo.. tayo ang matitira... ^^x

Ayun, naalala ko nung nagbabalak akong mag-apply sa gov't agencies, sinasabi ng hs friends ko na "Gusto mong mapasali sa sistema?" Ewan ko.

Syempre hindi pero ang sa akin lang, I was a product of a public high school and I finished my college in a state university. For eight years, the government helped me financially. I want give my gratitude to the government for that. Pinag-aral ako ng gobyerno kaya marapat lamang na suklian ko ito.

FYI, the government is the people living in the Philippines, as so our Phil Gov prof taught us. ^^x

Hala! Akala ko ba hindi seryoso ang comment ko? hehehe... ^^x

Ito e comment ko rin sa multiply mo... eto nga pala ang link ng aking blog...

http://blognohimesama.blogspot.com

Cath said...

Wow! masyadong malalim...


You can do it dah! We can do it!


^^

Ako said...

at ngayon may trabaho ka na. hindi man nalilinya sa peryodismo, nagiging venue na rin ng blessing para sa iyong pamilya at sa sarili mo, diba? maraming panahon din na gusto na namin ng asawa kong sumuko sa pilipinas at mangibang-bansa nalang. kaya lang masyadong maraming maiiwan dito. hindi pa talaga kami handa. i don't pass judgments dun sa mga taong gusto mag-abroad, ang hirap lang din mawatak-watak ang pamilya. yan ang nagagawa ng hirap.